Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Katipunan. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Katipunan. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Enero 8, 2012

Mahal na Jesus Nazareno ng Quiapo: Puso at Pusod ng Katutubong Kristiyanismo


Una muna at bago ang lahat, bagaman deboto nang matagal ang aking mga magulang at makailang-ulit na rin akong nakapunta noong maliit pa ako sa Quiapo, masasabi kong nito lamang huli talagang lubos na tumatag ang aking panata, paniwala at pagsampalataya sa Mahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno ng Quiapo. Bukod sa mga himala at biyayang tunay na ipinagkaloob sa akin ng Mahal na Poong Nazareno, lubos na napuspos ang aking pananalig sa Kanya dahil sa Kanyang Dakilang Pananahan, Pakikinig at Pakikiisa na ipinamalas Niya hindi lamang sa aking mga mahal na mga magulang kundi maging lalo na sa lahat ng Kanyang mga deboto't tagatangkilik na nakakasama ko sa tuwing ako'y nagbibigay-pugay sa Mahal na Jesus Nazareno sa kanyang simbaha't tahanan sa Quiapo.

Dati-rati, aaminin ko na minsan o madalas pa nga na tila ang ilan sa mga deboto ay malabis na panatiko lamang at madalas hindi ko maunawaan ang iba't-ibang gawi't ritwal nila na sa aking mga mata'y tila kakaiba. Subalit sa paglaon ng panahon, nawala ang ganito kong para bagang mapagmataas at maling pagtingin sa mga deboto. Dala na rin ng pagdalas ko sa pamimintuho ko sa Paanan ng Senyor Nazareno, naliwanagang tunay ang aking diwa't isipan at tuluyan nang napa-ibig hindi lamang sa paggiliw at pagdulog sa Kanyang Paanan kundi higit lalo sa Kanyang Kamahal-Mahalang Jesus Nazareno mismo at maging sa kanyang mga tagatangkilik dahil sa kanilang matinding pananalig at pagmamahal nila sa Itim na Nazareno. Kung tutuusin, kumpara sa akin na bagu-bago pa lamang ang panata sa Mahal na Nazareno, ang mga matagal nanag sumasampalataya sa Kanya ang talagang tunay na Kanyang mga deboto't tagatangkilik gaya na lamang ng aking mga magulang. Sila ang totoo at milyun-milyong mga kapatid at kababayan nating mga Pilipino na tumatangkilik sa Kanyang Kamahalan.

Pagpapatotoo sa mga himala at biyaya ng Mahal na Jesus Nazareno

Ngunit sa aking munting karanasan sa pamimintuho sa Paanan ng Mahal na Nazareno, masasabi kong binago Niya ang aking buhay sa pamamagitan ng pagkakaloob niya sa akin ng mga biyaya bagaman ako'y di karapat-dapat. Ilan sa mga biyayang ito na kaloob ng Senyor Nazareno ay ang aking kasalukuyang hanapbuhay, ang patuloy na pag-adya sa akin mula sa mga malalalang karamdama't kapahamakan, ang Kanyang Pagkalinga sa aking lola at mga magulang, at higit sa lahat ang biyaya ng kapatawarang ng aking mga pagkakasala't pagkukulang at ang pagpaparamdan Niya ng kanyang mga Banal na Kamay sa bawat araw ng aking buhay. Ang lahat ng mga ito'y bukal na utang na loob at laking pasasalamat ko sa ating Mahal na Nazareno na talagang tigib na tigib sa awa, biyaya at pag-ibig.

Maliban pa sa aking pansariling karanasan sa mga himala ng Poong Nazareno, malaking bagay din ang talagang kamangha-manghang pananampalatayang ipinamamalas ng mga kapatid at kababayan nating nananalig at nagmamahal sa ating Diyos at Panginoong Hesus Nazareno. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit mas lalo pa kong napa-ibig sa debosyon nating mga Pilipino sa Poong Nazareno. Dahil nga rito, masasabing Pilipinong-pilipino ang matinding debosyon na ito sa Itim na Nazareno at ito'y isang bagay na dapat nating ipinagmalaki sapagkat ang pagpaparangal sa Mahal na Nazareno ay hindi lamang isang nakagawian lamang na ritwal bagkus ito ay talagang nakaugat taal na kalinangan at pananampalatayang bayan nating mga Pilipino. Ang pagpaparangal sa Mahal na Nazareno ay ang mukha ng Katolisismong Pilipino na hindi lamang inangkin kundi isinakatutubo at dinalumat pa sa diwa at kaluluwang Pilipino.

Ang Pasyon ni Hesukristo sa Kamalayan at Kalinangang Bayan

Sa aking mas malalim pang pagbubulay-bulay hinggil sa kung bakit gayon na lamang ang pagsampalataya natin sa Mahal na Nazareno, napagtanto ko na ang debosyong ito ay nakaugat sa salaysay ng Pasyon ni Hesukristo  sa wika ng Bayan, na ayon kay Ileto (2011, ika-8 limbag), ay ang siyang nagsilbing epikong panlipunan ng mga Pilipino noong panahon ng mga Kastila.Kung ating babalikan ang ating kasaysayan, palasak na palasak ang pag-awit ng pasyon ng mga Pilipino noong mga panahong iyon. Sa paliwanag ni Ileto, nakaugnay ang mga Pilipino sa Pasyon ni Hesukristo sapagkat nakita nila ang mga hirap na dinaranas nila sa ilalim ng mga Kastila sa kuwento ng mga sakit at dusa ni Hesukristo mismo. At sa kuwento din ng Pasyon, aniya pa ni Ileto, nakita din ng mga Pilipino ang kalayaan, kaginhawaan at kaligtasang matagal na nilang hinahangad. Ang Pasyon ni Kristong ito na pinanghawakan ng mga Pilipino ang siya ring magiging matibay na sandigan ng Himagsikang Pilipino noong 1896 na nilunsad ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan sa pangunguna nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto.

Bagamat matindi ang pagtuligsa at pag-usig ng K.K.K. sa kapunuan at mga mapagmalabis na mga fraile ng Simbahang Katoliko, hindi naman tinalikdan at tinalikuran ng mga Pilipino ang mga Aral at Salita ni Kristo. Katunayan nga, maraming mga paring sekular at paring katutubong Pilipino ang naakit at sumapi sa Himagsikang isinagawa ng mga Anak ng Bayan. Dagdag pa nito, sa kabila ng paglibak sa mga prayle, kitang-kita kung paanong iniugnay nina Bonifacio at Jacinto ang taal na kalinangang Pilipino at mga mabubuting turo ng Pananampalatayang Katoliko upang mabuo ang mga Aral, Batas, Alituntunin at Kartilya ng Katipunan. Ang Kartilya at mga Aral na ito, na taal na kalinangan at diwang Pilipino, ang siyang naging saligang-batas at batayang pangkaisipan at panghimagsikan ng Katipunan ng mga Pilipino. Sa madaling salita, dahil sa kanilang karanasang pagdurusang gaya ng sinapit ni Hesukristo, lubos na tinaal, dinalumat at inugat nila ang buhay at pasyon ni Kristo hindi lamang sa kanilang sariling pasyon kundi higit lalo sa adhikaing palayain at muling paginhawain si Inang Bayan. Kung kaya nga, tama ang tinuran ni Ileto na ang Pasyon nga ang siyang naging epikong bayan ng mga Pilipino, higit lalo noong pumutok na ang Unang Sigaw ng Himagsikan para sa Kalayaan.

Ang Hapis ng Ina: Ang Pag-uugat ng Pasyon kay Inang Bayan

Kung sa Pasyon ni Kristo nabanaag ng mga Pilipino ang salaysay ng karanasangnagdaralita, gayundin namang nakita nila sa Mahal na Inang Maria ang kalagayan ng Bayan. Tulad din kay Kristo at palibhasa malakas ang pagka-maka-ina natin, nadama ng mga Pilipino noon ang hirap at pait na dinanas ng Birheng Maria gaya ng nasasalaysay sa Pasyon din ni Hesukristo. Kaya naman tulad ng Diyos Anak na si Kristong Tagapagligtas at Manunubos ng lahat, inatang ng mga Anak ng Bayan sa kanilang mga balikat ang tungkulin at adhikaing palayain si Inang Bayan at dulutan ng ginhawa. Sa ganitong pagkakataon, masasabing nagtagpo at nag-isa ang maka-inang kalinangan ng mga Pilipino na minana pa natin mula sa mga ninunong Austronesyano at ang kahalagahan ng Mahal na Birheng Mariang Ina ng Diyos sa Pananampalatayang Katolikona inangkin at inari na rin nating kalinangan na mga Pilpino. Ang pagtatagpo at pag-iisang ito ay magkakaroon ng makabuluhang epekto sa kung paano dinalumat ng mga Pilipino ang kanilang kapwa buhay pananampalataya, pambansa at pangkalinangan. Dahil dito, mas lalo pang titindi ang pagpapahalaga sa ugnayan at pagmamahalan ng ina at ng mga kanyang anak hindi lamang sa tahanan kundi maging sa lipunan din. Gaya ng kambal at kaakibat na dusa ng Diyos Anak at ng Ina ng Diyos, naging gayon din ang pagtingin ng mga Pilipino sa kanilang Bayan, kung kaya naman mula pa noong Himagsikan 1896 patungo sa Mapayapang Himagsikan sa EDSA 1986 at maging magpasahanggang ngayon, ang laging bukambibig ng mga Pilipino ay dapat itaguyod natin bilang mga Anak ng Bayan ang kapakanan at kabutihan ng ating Inang Bayan.

Ang pamimintuho sa Mahal na Jesus Nazareno: Ang makabagong Pasyon ng mga Pilipino

Sa madaling salita, ang Pasyon ng mga Pilipino ay hindi lamang patungkol sa kani-kaniya at mga pansariling pasakit kundi higit lalo ang Pasyon na ito ng mga Pilipino ay pumapatungkol din sa matagal nang sakit at dusa ng Bayang Pilipino magmula pa noon! At bagaman hindi na palasak ang pag-awit ng Pasyon sa ngayon kumpara sa dati, masasabing ang matindi at kamangha-manghang pamimintuho, pagpaparangal at pagmamahal ng Kanyang mga deboto't tagapagtangkilik ng Mahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno ang siyang makabagong Pasyon at Epikong Bayan nating mga Pilipino na nabubuhay sa panahong kasalukuyan. Nagbago man ang panahon, hindi pa rin nawawala ang Pasyon na likas at taal na sa ating pananampalatayang bayan bagkus gaya ng panahon, nagpapatuloy pa rin ito bagaman nagbabagong-anyo. Taliwas sa tingin o sabi ng iba, hindi maaaring sabihin na panatisismo lamang ang pagpintuho at pagtangkilik sa Senyor Nazareno dahil sa ito ay pagpapahayag hindi lamang ng isang dalisay, malakas, taal at katutubo na pagsampalataya kundi isa ring paglalantad at pagmamalas ng kamalayan at kalinangang Bayan na tahasang ipinapakita ang Pasyon ng Bayan at ang Poong Itim na Nazareno ang siyang mukha ng pasyon at hapis na ito ng Bayan.

Kung kaya dahil dito, masasabing ang Quiapo na siyang luklukan at tahanan ni Kristong Bathala na minamahal ng mga Pilipino bilang Mahal na Nazareno ang siyang puso at pusod ng taal at katutubong Kristiyanismo. Dahil sa naiugnay at naiugat ng mga Pilipino ang Pasyon sa taal na kalinangan nito, namasdan ng mga Pilipino ang kanilang hirap at hapis sa Mukha at Krus na pasan-pasan ng Mahal na Jesus Nazareno. Ngunit hindi lang naman sa dusa nakakaugnay ang mga Pilipino sa Pasyon ng Mahal na Nazareno. Bagkus sa Pasyon din niyang ito, nakadarama at nakahuhugot ng lakas at pag-asa ang mga Pilipino sapagkat lubos nilang nauunawaan ang pasyon ni Hesukristo: Na lahat ng kahirapan at kasakitan, kasamaan at kasalanan, at kalungkutan at kasawian ay may ganap na hanggana't katapusan. At gaya ng Salaysay ng Pasyon ng Mahal na Jesus Nazareno at mga pasyon ng Bayan sa iba't ibang yugto ng kasaysayan (mula Balintawak hanggang sa EDSA), sa huli, lahat ng pag-iibayo't paghihirap ay kalayaan, kaginhawaan, kaligtasan at katubusan din ang magiging kahahatungan ng Pasyon.

Pista ng Nazareno: Pasyon at Dalit ng Bayan

Kung lalaguming lahat, masasabing ang karanasa't kasaysayang bayan nating ito ang siyang malinaw na paliwanag kung bakit gayon na lamang ang pagpapamalas ng matinding pagpintuho at pagtangkilik nating mga Pilipino sa Mahal na Nazareno, laluna kung Kapistahan niya tuwing ika-9 ng Enero taun-taon. Bagamat ang Kapistahan ay nagsimula sa paggunita ng traslacion (o paglipat) ng Kawangis ng Poong Nazareno nito sa Simbahan ng Quiapo mula sa Intramuros, sa paglaon ng panahon, ang Kapistahang ito ay naging taunang paraan mga Pilipino upang maihayag nang taimtim ang palagian at malaon nang Pasyon ng Bayan. Ngunit sa kabilang banda, ang Kapistahang ding ito ng Mahal na Jesus Nazareno  ay pagkakataon rin ng mga Pilipino, sa kabila ng lahat ng mga pighati, upang makapagbigay-parangal at pasasalamat sa Kanyang mga himala't biyayang kaloob Niya, sa iba't-ibang kaparaanan, sa ating lahat at sa sinumang tapat na namimintuho, gumigiliw at umiibig sa Kanyang Kamahalan bilang Nuestro Padre Jesus Nazareno ng Bayang Pilipino.



(Ang mga larawang ginamit sa talaarawang dagitab na ito ay sariling kuha ng May-akda noong Enero 7 at 9, 2011 sa Quiapo at Intramuros, Maynila)


BATIS AT SANGGUNIAN:

Ileto, Reynaldo C. (2011, 8th Edition). Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines 1840-1910.

Martes, Nobyembre 29, 2011

Ang Paghaharing-Bayan bilang Kaisipang Diwang Panlipunan ni Bonifacio at ng Katipunan

Si Andres Bonifacio na kinilala bilang Presidente ng "Republica de Tagala"

DALA NA RIN ng matinding impluwensiya ng kolonyal na mentalidad, madalas at palagi nating iniisip na mga Pilipino na lagi na lamang tayong kumukopya o gumagaya sa halos lahat ng mga bagay sa ating paligid, ito man ay produkto, bagay, palabas sa telebisyon, mga awitin o mga pelikula. Maging sa ating sistemang pulitikal, malaon na tayong namulat at naturuan na ang ating “demokrasya” na tinatamasa ngayon ay diumano’y “tinuro” at “ipinamana” lamang sa atin ng mga Amerikano.

Bagamat may katotohanan ang pananaw nito, ito ay sa kadahilanang ang pagtingin natin sa ating kasaysayan at kultura ay hindi lubos na nakaugat talaga sa ating sariling kalinangan at pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Gaya nga ng palagian at maka-ilang ulit nang pagdalumat at pagtalakay dito ng kagalang-galang na istoryador at Pilipinolohistang si Dr. Zeus A. Salazar, ito ay dahil sa ang ating pagtingin sa kasaysayan ay palaging patungo sa palabas. Ito ay ang tinatawag niyang pang-kaming pananaw. Ayon sa kanya, ang pang-kaming pananaw ay ang pagpapaliwanag ng ating kasaysayan at mga gawi sa mga dayuhan at taga-labas gamit din ang wika nila (Espanyol sa una, at Ingles sa ngayon). Kumbaga, sa simpleng pangungusap, ito ang pang-kaming pananaw: “Ganito kami noon, tulad niyo, may ganito din kami, blah, blah.” Sa madaling salita, ang nagiging batayan ng pang-kaming pananaw dapat laging may bahid ng impluwensiya at pagkakatulad ang ating mga gawi at kasaysayan sa mga taga-labas. Hindi naman masama talaga ito kung tutuusin sapagkat may pakikipag-ugnayan naman talagang nagaganap sa pagitan ng mga tao’t bansa subalit gaya nga ng pinupunto ni Dr. Salazar nagbubunga ito ng pagkawala ng ating pagkakakilanlan at pagkawalay natin sa sariling kasaysaya’t kalinangan. Dahil sa siyang namamayaning pang-kaming pananaw nito kung kaya maging ang pagtingin natin sa sarili nating kasaysayan ay panlabas at pang-kami na rin at ang bunga nito, lagi nating iniisip na “wala tayong sariling kalinangan, kabihasnan at pagkakakilanlan” na maituturing na isang malaking kalokohan.

Taliwas sa pang-kaming pananaw, ang pantayong pananaw naman na binuo, inisip at pinalalim ni Dr. Salazar ay ang pagtingin sa ating sariling kasaysaya’t kalinangan mula sa loob. Gaya nga ng madalas sabihin ni Dr. Salazar, ang pantayong pananaw ay ang pagtingin at pagpapaliwanag ng Kasaysayang Pilipino para sa mga Pilipino mismo. Kumbaga, ang pantayong pananaw ay pagpapaliwanag sa ating mga sarili kung sino at ano ba “tayo” bilang mga Pilipino. At di-tulad ng pang-kaming pananaw, wika ng bayan – ang wikang Filipino – ang siyang gamit na wika sa pag-aaral, pagdadalumat at pagpapaliwanag sa Kasaysayang Pilipino. Layon ng Pantayong Pananaw na muling balikan ng mga Pilipino ang kanilang sarili, katangi-tangi at taal na kalinangan, kagawian at kaayusan na mababanaag hindi lamang sa ating kasaysayan kundi maging sa ating kasalukuyan. Bagamat hangad ng Pantayong Pananaw na muling maugat ang Pilipino sa kanyang taal na kalinangan, hindi naman nito tinatatwa ang mga impluwensiyang banyaga o dayuhan sa ating kultura laluna’t kung ito ay pumasok sa proseso ng pagsasakatutubo o inculturation sa terminolohiya ni Fr. Anscar J. Chupungco, OSB.

Katunayan dahil sa mga layunin nito, masasabi na ang Pantayong Pananaw ni Dr. Zeus Salazar at ng Bagong Kasaysayan ay pagpapatuloy at muling pagbubuhay sa mga kaisipa’t adhikain ng Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, o KKK, na tinaguyod at itinayo ni Andres Bonifacio noong 1892 hindi lamang bilang isang pambansang kilusan para sa kalayaan ngunit bilang katuparan na rin ng kanaisan ng mga Pilipinong anak ng bayan na makamit ang ganap na kalayaan mula sa mga Kastila at magkaroon ng sariling pamahalaan at bansa. Hindi lubusang mauunawaan ang Pantayong Pananaw kundi uunawain ang halagahin at layunin ng Katipunan ni Andres Bonifacio. Makikita ang ugnayan ng Pantayong Pananaw at ng Katipunan sa iisang bagay: ang pagiging tunay, taal at katutubo nito o sa lenggwahe sa mga panahong ito, sa pagiging orig nito (orig kung ikaw ay jologs) at uniquely Filipino naman ang tawag mo (kung ikaw ay sopistikadong elit).

Sa madaling salita, taliwas sa palagian nating iniisip na wala tayong orihinalidad, makikita sa kaisipang diwang panlipunan (social philosophy) ng Katipunan (na dinadalumat ng Pantayong Pananaw ngayon) na mayroon talaga tayong malawak, malaon, makulay, masining, at mayaman na sariling kaisipan, kabihasnan, kalinangan at kaayusan, higit laluna pagdating sa aspeto ng pulitika at pamamahala. Kitang-kita sa kaisipang diwa o pilosopiya ng Katipunan ang mga taal na konseptong pampulitika tayong mga Pilipino noon pa man.

Bagamat madalas sabihin na hiram at pamana lang diumano ng mga dayuhan sa atin ang demokrasya, wala itong katotohanan at masasabing isang kasinungalingan. Para bagang sinasabi na wala sa wika o kahulugan ng mga Pilipino ang kaisipan ng kalayaan at pamahalaan. Noon pa man, umiiral na ang mga kaugaliang demokratiko sa Pilipinas, iyon nga lamang, hindi “demokrasya” ang tawag dito dahil na rin sa ang demokrasya ay salitang Griyego at dahil na rin sa may sariling katawagan o kaayusan ito noon sa mga sinaunang Pilipino. Katunayan, ang pagtatanghal sa isang tao noon bilang isang hari, datu, raha o maging ng isang bagani ng mga mamamayan dahil sa kanilang ipinakitang katapangan, kadakilaan o kabayanihan ay maituturing na demokratiko o dili kaya’y masasabi pa nga sa Ingles na ito ay isang pagkilos o exercise or example of a direct democracy.

Dito sa puntong ito, papasok ang kahalagahan ng ginampanan ng Katipunan sa ating kasaysayan at kalinangan. Bagaman laging sinasabi sa tuwina ng mga mainstream na istoryador na ang Katipunan diumano ay halaw lamang sa La Liga Filipina ng mga repormistang propagandista sa kadahilanang ang tagapagtatag nito na si Bonifacio ay kasapi nito, wala itong batayan. Sa katunayan pa nga, mahihinuha na bagupaman matatag ang La Liga, naisip na ni Bonifacio na bumuo ng samahan o kilusan na magpapalaya sa mga Pilipino mula sa Espanya at marahil kaya lamang siya sumali sa Liga upang makaakit at makahikayat ng mga taong may mataas na katayuan sa lipunan na sumali sa kanyang binabalak na Himagsikan. Malayung-malayo ang Liga sa Katipunan, gaya ng pagpapaliwanang ng marami nang beses ni Dr. Salazar. Unang-una, ang hangarin ng Liga ay mga reporma at awtonomiya para sa Pilipinas samantalang ang sa Katipunan ay ganap na kalayaan at kasarinlan mula sa mga dayuhan. At isa pa, sabi nga rin ni Dr. Salazar, di-gaya ng Liga na puspos ng mga kaisipang Kanluranin, ang Katipunan ay nakaugat sa taal na kalinangan ng mga Pilipino.

At talaga naming makikita ang pagkakaugat na ito ng Katipunan sa taal nating kalinangan sa pamamagitan ng mga adhikai’t layuning pambansa nito. Kitang-kita ito layunin ng Supremo Andres Bonifacio sa kanyang pagtatayo ng Katipunan. Mababanaag sa kanyang mga sinulat at gayundin ng mga nasulat ni Emilio Jacinto na kanyang kanang-kamay at sanggang-dikit na ang Katipunan ay hiniraya hindi lamang bilang isang mapanghimagsik na kilusan at samahan ngunit bilang isa ding pamahalaang ganap at baying tunay na kukupkop sa lahat ng mga Pilipino sakaling magtagumpay ang Himagsikan ng mga Anak ng Bayan. Makikita ito mismo sa kung paano tinawag ni Andres Bonifacio at ng Katipunan ang Pilipinas bilang Inang Bayan at ang mga Pilipino bilang mga Anak ng Bayan. Sa kabuuan ng pagbubuo ng Bansa, tinawag niya ito bilang Haring Bayang Katagalugan (Katagalugan ang nais na itawag ni Bonifacio at ng Katipunan sakaling mapalayas ang mga Kastila sapagkat ayon nga sa Kartilya ng Katipunan, “Ilocano, Pampango, Bisaya o Bicolano man, atbp., ay Tagalog din; dapat ding tandaan na ang salitang Tagalog ay mula sa salitang “Taga-Ilog” at marami sa mga sinaunang Pilipino sa lahat ng panig na kapuluan sa Luzon, Visayas man o Mindanaw ay palaging nakatira malapit sa mga ilog, dalampasigan o baybaying-dagat, kung kaya Tagalog din sila). At bilang kinilalang tagapagtatag ng Katipunan at siyang Supremo nito, tinanghal naman siya ng mga Katipunero bilang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan.

Ang Haring Bayang Pilipino ang inasam na kaayusang pambansa at pamamahala ni Bonifacio at ng Katipunan. Ito marahil sa aking pananaw ang ating taal na konsepto na maaari nating itumbas sa “demokrasya” ng Kanluran. Bagupaman sabihin ng iba na ang “Haring Bayan” ay ang isang isinalokal lamang na bersyon ng demokrasya at hindi talaga uniquely Filipino, mahalaga na dapat dalumatin ang salita at kaisipang ito ni Bonifacio at ng Katipunan. Sabi nga ni Dr. Salazar (1997) sa kanyang monograf na “Si Andres Bonifacio at ang Kabayanihang Pilipino,” ang Haring Bayan bilang taal at natatanging kaayusang pampulitikal na nakaugat sa Kapilipinuhan ay “isang pagdadalumat mula sa loob ng ating kalinangan. Bilang tugon sa pueblo soberano (“naghahariang bayan”) ng Kastila at Europeo, ang konsepto ng “haring bayan” ay tumutukoy kapwa sa ideya ng paglilipat ng kapangyarihang pulitikal at panlipunan sa bayan (bunga ng makademokrasyang puwersang rumaragasa sa mga bayan ng mundo noong ika-19na dantaon), at gayundin sa panloob o taal na pagtingin sa “hari” bilang bayani ring tagapagtanggol ng kabuuan sa anumang paghahamon o panghihimasok mula sa labas” (Salazar, 1997). Dinagdag pa ni Dr. Salazar na tinignan ni Bonifacio ang “kanyang “Haring Bayan,kung saan ang pinuno ay isa lamang katiwala o tagasilbi/tagatulong (bayani nga!) ng Bayan at ng mga “kapatid” na kapwa mamamayan” (Salazar, 1997).

Sa yugtong ito, masasabi nga talaga na ang Haring Bayan ay kapwa ang pamahalaan, kaayusang pambayan, at bansa na hiniraya at hinangad ni Andres Bonifacio at ng Katipunan na itaguyod sa pagbagsak ng Espanya sa Pilipinas. Makahulugan at makabuluhan ang Haring Bayan sapagkat ipinapakita nito na ang siya talagang sentro ng Himagsikan 1896 ay ang Bayan, kaya nga siya ang “hari.” Dapat maunawaan ang Haring Bayan hindi bilang tungkol sa mga hari at naghahari-harian kundi bilang ito ay ukol sa Bayang Pilipino na siyang hari at dapat maghari sapagkat sa kanila nanggagaling ang kapangyarihan ng mga pinuno na maglingkod at mamahala para sa kabutihan ng Bayan at ng lahat. Kung kaya nga ang paghahari ng Bayan o ang Paghaharing-Bayan ang siyang maituturing na siyang kaisipang diwang panlipunan, pamamahala at pambayan ni Bonifacio at ng Katipunan. Sa pagkakatatag pa lamang ng Katipunan, mababanaag na ang mga demokratikong gawi sa ating kalinangan. Ang mga pinuno ng Katipunan ay hindi lamang basta tinanghal ang mga sarili na mga pinuno ng kilusan kundi hinain nila ang kanilang mga sarili sa pasya ng mga kasapi nito na sila ay ihalal. Katunayan, si Bonifaciong siyang nagtatag nito ay tumanggi na tumakbo sa panguluhan ng Katipunan at sa halip si Deodato Arellano ang nahalal ng mga Katipunero bilang unang pangulo nung 1892 ng noo’y samahan pa lamang na Katipunan bago ito naging isang pamahalaang mapanghimagsik noong 1896 na niluklok si Bonifacio bilang unang pangulo at supremo nito. Patunay lamang ito sa mga taal na konseptong demokratiko’t pulitikal ng mga Pilipino na nananalaytay noon pa man sa kabila ng pananakop at paniniil ng mga banyaga.

Sa panghuli, masasabi na ang paghaharing-bayan na ito na binuo ni Bonifacio at ng mga Anak ng Bayan ay hindi lamang bersyon ng Kanluraning demokrasya (na ang sinaunang pakahulugan ay “pamumuno ng mga tao”) bagkus ito ay ang talagang ating taal at katutubong “demokrasya.” Higit pa rito, ang haring bayan o paghaharing-bayan ay hindi lamang basta tungkol sa paghahari ng bayan, ito rin ay tungkol sa pagtuturingan ng mga nakapaloob sa kaayusan ng haring bayan bilang mga magkakapatid at mga Anak ng Bayan na siyang nagtatanggol, nangangalaga at nagpapayabong sa kalayaan at kaginhawaan ni Inang Bayan. Ang Paghaharing-Bayan ang siyang kaisipang diwang panlipunan na hinangad at minithi nina Bonifacio at ng mga Anak ng Bayan. Bagamat hindi ito ganap na nagtagumpay, nasa atin pa ring mga kamay na mga anak at apo nina Bonifacio at ng mga naunang mga Anak ng Bayan na talagang ipagpatuloy ang adhikain nilang ito na pagtataguyod ng isang Bayang talagang nakaugat sa mga kalinanga’t halagahin nito.

Sa panahong ito ng “Bagong Pilipinas” na tumatahak na ngayon sa Matuwid na Daan, nararapat lamang na dapat muling ibalik sa diskursong pambansa ang Paghaharing-Bayan na ito nina Bonifacio at ng Katipunan bilang siyang tunay na kaganapan ng ating Demokrasyang Pilipino.

MGA BATIS O PINAGSANGGUNIAN:

Salazar, Zeus A. (1997). "Si Andres Bonifacio at ang Kabayanihang Pilipino." Lunsod Mandaluyong: Palimbagang Kalawakan.

______________. (1999). "Ang Kartilya ni Emilio Jacinto at ang Diwang Pilipino sa Agos ng Kasaysayan." Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi.