Martes, Nobyembre 29, 2011

Ang Paghaharing-Bayan bilang Kaisipang Diwang Panlipunan ni Bonifacio at ng Katipunan

Si Andres Bonifacio na kinilala bilang Presidente ng "Republica de Tagala"

DALA NA RIN ng matinding impluwensiya ng kolonyal na mentalidad, madalas at palagi nating iniisip na mga Pilipino na lagi na lamang tayong kumukopya o gumagaya sa halos lahat ng mga bagay sa ating paligid, ito man ay produkto, bagay, palabas sa telebisyon, mga awitin o mga pelikula. Maging sa ating sistemang pulitikal, malaon na tayong namulat at naturuan na ang ating “demokrasya” na tinatamasa ngayon ay diumano’y “tinuro” at “ipinamana” lamang sa atin ng mga Amerikano.

Bagamat may katotohanan ang pananaw nito, ito ay sa kadahilanang ang pagtingin natin sa ating kasaysayan at kultura ay hindi lubos na nakaugat talaga sa ating sariling kalinangan at pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Gaya nga ng palagian at maka-ilang ulit nang pagdalumat at pagtalakay dito ng kagalang-galang na istoryador at Pilipinolohistang si Dr. Zeus A. Salazar, ito ay dahil sa ang ating pagtingin sa kasaysayan ay palaging patungo sa palabas. Ito ay ang tinatawag niyang pang-kaming pananaw. Ayon sa kanya, ang pang-kaming pananaw ay ang pagpapaliwanag ng ating kasaysayan at mga gawi sa mga dayuhan at taga-labas gamit din ang wika nila (Espanyol sa una, at Ingles sa ngayon). Kumbaga, sa simpleng pangungusap, ito ang pang-kaming pananaw: “Ganito kami noon, tulad niyo, may ganito din kami, blah, blah.” Sa madaling salita, ang nagiging batayan ng pang-kaming pananaw dapat laging may bahid ng impluwensiya at pagkakatulad ang ating mga gawi at kasaysayan sa mga taga-labas. Hindi naman masama talaga ito kung tutuusin sapagkat may pakikipag-ugnayan naman talagang nagaganap sa pagitan ng mga tao’t bansa subalit gaya nga ng pinupunto ni Dr. Salazar nagbubunga ito ng pagkawala ng ating pagkakakilanlan at pagkawalay natin sa sariling kasaysaya’t kalinangan. Dahil sa siyang namamayaning pang-kaming pananaw nito kung kaya maging ang pagtingin natin sa sarili nating kasaysayan ay panlabas at pang-kami na rin at ang bunga nito, lagi nating iniisip na “wala tayong sariling kalinangan, kabihasnan at pagkakakilanlan” na maituturing na isang malaking kalokohan.

Taliwas sa pang-kaming pananaw, ang pantayong pananaw naman na binuo, inisip at pinalalim ni Dr. Salazar ay ang pagtingin sa ating sariling kasaysaya’t kalinangan mula sa loob. Gaya nga ng madalas sabihin ni Dr. Salazar, ang pantayong pananaw ay ang pagtingin at pagpapaliwanag ng Kasaysayang Pilipino para sa mga Pilipino mismo. Kumbaga, ang pantayong pananaw ay pagpapaliwanag sa ating mga sarili kung sino at ano ba “tayo” bilang mga Pilipino. At di-tulad ng pang-kaming pananaw, wika ng bayan – ang wikang Filipino – ang siyang gamit na wika sa pag-aaral, pagdadalumat at pagpapaliwanag sa Kasaysayang Pilipino. Layon ng Pantayong Pananaw na muling balikan ng mga Pilipino ang kanilang sarili, katangi-tangi at taal na kalinangan, kagawian at kaayusan na mababanaag hindi lamang sa ating kasaysayan kundi maging sa ating kasalukuyan. Bagamat hangad ng Pantayong Pananaw na muling maugat ang Pilipino sa kanyang taal na kalinangan, hindi naman nito tinatatwa ang mga impluwensiyang banyaga o dayuhan sa ating kultura laluna’t kung ito ay pumasok sa proseso ng pagsasakatutubo o inculturation sa terminolohiya ni Fr. Anscar J. Chupungco, OSB.

Katunayan dahil sa mga layunin nito, masasabi na ang Pantayong Pananaw ni Dr. Zeus Salazar at ng Bagong Kasaysayan ay pagpapatuloy at muling pagbubuhay sa mga kaisipa’t adhikain ng Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, o KKK, na tinaguyod at itinayo ni Andres Bonifacio noong 1892 hindi lamang bilang isang pambansang kilusan para sa kalayaan ngunit bilang katuparan na rin ng kanaisan ng mga Pilipinong anak ng bayan na makamit ang ganap na kalayaan mula sa mga Kastila at magkaroon ng sariling pamahalaan at bansa. Hindi lubusang mauunawaan ang Pantayong Pananaw kundi uunawain ang halagahin at layunin ng Katipunan ni Andres Bonifacio. Makikita ang ugnayan ng Pantayong Pananaw at ng Katipunan sa iisang bagay: ang pagiging tunay, taal at katutubo nito o sa lenggwahe sa mga panahong ito, sa pagiging orig nito (orig kung ikaw ay jologs) at uniquely Filipino naman ang tawag mo (kung ikaw ay sopistikadong elit).

Sa madaling salita, taliwas sa palagian nating iniisip na wala tayong orihinalidad, makikita sa kaisipang diwang panlipunan (social philosophy) ng Katipunan (na dinadalumat ng Pantayong Pananaw ngayon) na mayroon talaga tayong malawak, malaon, makulay, masining, at mayaman na sariling kaisipan, kabihasnan, kalinangan at kaayusan, higit laluna pagdating sa aspeto ng pulitika at pamamahala. Kitang-kita sa kaisipang diwa o pilosopiya ng Katipunan ang mga taal na konseptong pampulitika tayong mga Pilipino noon pa man.

Bagamat madalas sabihin na hiram at pamana lang diumano ng mga dayuhan sa atin ang demokrasya, wala itong katotohanan at masasabing isang kasinungalingan. Para bagang sinasabi na wala sa wika o kahulugan ng mga Pilipino ang kaisipan ng kalayaan at pamahalaan. Noon pa man, umiiral na ang mga kaugaliang demokratiko sa Pilipinas, iyon nga lamang, hindi “demokrasya” ang tawag dito dahil na rin sa ang demokrasya ay salitang Griyego at dahil na rin sa may sariling katawagan o kaayusan ito noon sa mga sinaunang Pilipino. Katunayan, ang pagtatanghal sa isang tao noon bilang isang hari, datu, raha o maging ng isang bagani ng mga mamamayan dahil sa kanilang ipinakitang katapangan, kadakilaan o kabayanihan ay maituturing na demokratiko o dili kaya’y masasabi pa nga sa Ingles na ito ay isang pagkilos o exercise or example of a direct democracy.

Dito sa puntong ito, papasok ang kahalagahan ng ginampanan ng Katipunan sa ating kasaysayan at kalinangan. Bagaman laging sinasabi sa tuwina ng mga mainstream na istoryador na ang Katipunan diumano ay halaw lamang sa La Liga Filipina ng mga repormistang propagandista sa kadahilanang ang tagapagtatag nito na si Bonifacio ay kasapi nito, wala itong batayan. Sa katunayan pa nga, mahihinuha na bagupaman matatag ang La Liga, naisip na ni Bonifacio na bumuo ng samahan o kilusan na magpapalaya sa mga Pilipino mula sa Espanya at marahil kaya lamang siya sumali sa Liga upang makaakit at makahikayat ng mga taong may mataas na katayuan sa lipunan na sumali sa kanyang binabalak na Himagsikan. Malayung-malayo ang Liga sa Katipunan, gaya ng pagpapaliwanang ng marami nang beses ni Dr. Salazar. Unang-una, ang hangarin ng Liga ay mga reporma at awtonomiya para sa Pilipinas samantalang ang sa Katipunan ay ganap na kalayaan at kasarinlan mula sa mga dayuhan. At isa pa, sabi nga rin ni Dr. Salazar, di-gaya ng Liga na puspos ng mga kaisipang Kanluranin, ang Katipunan ay nakaugat sa taal na kalinangan ng mga Pilipino.

At talaga naming makikita ang pagkakaugat na ito ng Katipunan sa taal nating kalinangan sa pamamagitan ng mga adhikai’t layuning pambansa nito. Kitang-kita ito layunin ng Supremo Andres Bonifacio sa kanyang pagtatayo ng Katipunan. Mababanaag sa kanyang mga sinulat at gayundin ng mga nasulat ni Emilio Jacinto na kanyang kanang-kamay at sanggang-dikit na ang Katipunan ay hiniraya hindi lamang bilang isang mapanghimagsik na kilusan at samahan ngunit bilang isa ding pamahalaang ganap at baying tunay na kukupkop sa lahat ng mga Pilipino sakaling magtagumpay ang Himagsikan ng mga Anak ng Bayan. Makikita ito mismo sa kung paano tinawag ni Andres Bonifacio at ng Katipunan ang Pilipinas bilang Inang Bayan at ang mga Pilipino bilang mga Anak ng Bayan. Sa kabuuan ng pagbubuo ng Bansa, tinawag niya ito bilang Haring Bayang Katagalugan (Katagalugan ang nais na itawag ni Bonifacio at ng Katipunan sakaling mapalayas ang mga Kastila sapagkat ayon nga sa Kartilya ng Katipunan, “Ilocano, Pampango, Bisaya o Bicolano man, atbp., ay Tagalog din; dapat ding tandaan na ang salitang Tagalog ay mula sa salitang “Taga-Ilog” at marami sa mga sinaunang Pilipino sa lahat ng panig na kapuluan sa Luzon, Visayas man o Mindanaw ay palaging nakatira malapit sa mga ilog, dalampasigan o baybaying-dagat, kung kaya Tagalog din sila). At bilang kinilalang tagapagtatag ng Katipunan at siyang Supremo nito, tinanghal naman siya ng mga Katipunero bilang Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan.

Ang Haring Bayang Pilipino ang inasam na kaayusang pambansa at pamamahala ni Bonifacio at ng Katipunan. Ito marahil sa aking pananaw ang ating taal na konsepto na maaari nating itumbas sa “demokrasya” ng Kanluran. Bagupaman sabihin ng iba na ang “Haring Bayan” ay ang isang isinalokal lamang na bersyon ng demokrasya at hindi talaga uniquely Filipino, mahalaga na dapat dalumatin ang salita at kaisipang ito ni Bonifacio at ng Katipunan. Sabi nga ni Dr. Salazar (1997) sa kanyang monograf na “Si Andres Bonifacio at ang Kabayanihang Pilipino,” ang Haring Bayan bilang taal at natatanging kaayusang pampulitikal na nakaugat sa Kapilipinuhan ay “isang pagdadalumat mula sa loob ng ating kalinangan. Bilang tugon sa pueblo soberano (“naghahariang bayan”) ng Kastila at Europeo, ang konsepto ng “haring bayan” ay tumutukoy kapwa sa ideya ng paglilipat ng kapangyarihang pulitikal at panlipunan sa bayan (bunga ng makademokrasyang puwersang rumaragasa sa mga bayan ng mundo noong ika-19na dantaon), at gayundin sa panloob o taal na pagtingin sa “hari” bilang bayani ring tagapagtanggol ng kabuuan sa anumang paghahamon o panghihimasok mula sa labas” (Salazar, 1997). Dinagdag pa ni Dr. Salazar na tinignan ni Bonifacio ang “kanyang “Haring Bayan,kung saan ang pinuno ay isa lamang katiwala o tagasilbi/tagatulong (bayani nga!) ng Bayan at ng mga “kapatid” na kapwa mamamayan” (Salazar, 1997).

Sa yugtong ito, masasabi nga talaga na ang Haring Bayan ay kapwa ang pamahalaan, kaayusang pambayan, at bansa na hiniraya at hinangad ni Andres Bonifacio at ng Katipunan na itaguyod sa pagbagsak ng Espanya sa Pilipinas. Makahulugan at makabuluhan ang Haring Bayan sapagkat ipinapakita nito na ang siya talagang sentro ng Himagsikan 1896 ay ang Bayan, kaya nga siya ang “hari.” Dapat maunawaan ang Haring Bayan hindi bilang tungkol sa mga hari at naghahari-harian kundi bilang ito ay ukol sa Bayang Pilipino na siyang hari at dapat maghari sapagkat sa kanila nanggagaling ang kapangyarihan ng mga pinuno na maglingkod at mamahala para sa kabutihan ng Bayan at ng lahat. Kung kaya nga ang paghahari ng Bayan o ang Paghaharing-Bayan ang siyang maituturing na siyang kaisipang diwang panlipunan, pamamahala at pambayan ni Bonifacio at ng Katipunan. Sa pagkakatatag pa lamang ng Katipunan, mababanaag na ang mga demokratikong gawi sa ating kalinangan. Ang mga pinuno ng Katipunan ay hindi lamang basta tinanghal ang mga sarili na mga pinuno ng kilusan kundi hinain nila ang kanilang mga sarili sa pasya ng mga kasapi nito na sila ay ihalal. Katunayan, si Bonifaciong siyang nagtatag nito ay tumanggi na tumakbo sa panguluhan ng Katipunan at sa halip si Deodato Arellano ang nahalal ng mga Katipunero bilang unang pangulo nung 1892 ng noo’y samahan pa lamang na Katipunan bago ito naging isang pamahalaang mapanghimagsik noong 1896 na niluklok si Bonifacio bilang unang pangulo at supremo nito. Patunay lamang ito sa mga taal na konseptong demokratiko’t pulitikal ng mga Pilipino na nananalaytay noon pa man sa kabila ng pananakop at paniniil ng mga banyaga.

Sa panghuli, masasabi na ang paghaharing-bayan na ito na binuo ni Bonifacio at ng mga Anak ng Bayan ay hindi lamang bersyon ng Kanluraning demokrasya (na ang sinaunang pakahulugan ay “pamumuno ng mga tao”) bagkus ito ay ang talagang ating taal at katutubong “demokrasya.” Higit pa rito, ang haring bayan o paghaharing-bayan ay hindi lamang basta tungkol sa paghahari ng bayan, ito rin ay tungkol sa pagtuturingan ng mga nakapaloob sa kaayusan ng haring bayan bilang mga magkakapatid at mga Anak ng Bayan na siyang nagtatanggol, nangangalaga at nagpapayabong sa kalayaan at kaginhawaan ni Inang Bayan. Ang Paghaharing-Bayan ang siyang kaisipang diwang panlipunan na hinangad at minithi nina Bonifacio at ng mga Anak ng Bayan. Bagamat hindi ito ganap na nagtagumpay, nasa atin pa ring mga kamay na mga anak at apo nina Bonifacio at ng mga naunang mga Anak ng Bayan na talagang ipagpatuloy ang adhikain nilang ito na pagtataguyod ng isang Bayang talagang nakaugat sa mga kalinanga’t halagahin nito.

Sa panahong ito ng “Bagong Pilipinas” na tumatahak na ngayon sa Matuwid na Daan, nararapat lamang na dapat muling ibalik sa diskursong pambansa ang Paghaharing-Bayan na ito nina Bonifacio at ng Katipunan bilang siyang tunay na kaganapan ng ating Demokrasyang Pilipino.

MGA BATIS O PINAGSANGGUNIAN:

Salazar, Zeus A. (1997). "Si Andres Bonifacio at ang Kabayanihang Pilipino." Lunsod Mandaluyong: Palimbagang Kalawakan.

______________. (1999). "Ang Kartilya ni Emilio Jacinto at ang Diwang Pilipino sa Agos ng Kasaysayan." Lungsod Quezon: Palimbagan ng Lahi.

1 komento:

  1. good day sir! this is smile siervo of gma news and public affairs. we are currently doing a documentary about andres bonifacio at tejeros convention. may we request for your permission some of your photos of andred bonifacio for our documentary sir? rest assured that we are going to acknowledge your piece rightfully with your name. you may reach me directly at 09063880912. thank you sir!

    TumugonBurahin