Una muna at bago ang lahat, bagaman deboto nang matagal ang aking mga magulang at makailang-ulit na rin akong nakapunta noong maliit pa ako sa Quiapo, masasabi kong nito lamang huli talagang lubos na tumatag ang aking panata, paniwala at pagsampalataya sa Mahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno ng Quiapo. Bukod sa mga himala at biyayang tunay na ipinagkaloob sa akin ng Mahal na Poong Nazareno, lubos na napuspos ang aking pananalig sa Kanya dahil sa Kanyang Dakilang Pananahan, Pakikinig at Pakikiisa na ipinamalas Niya hindi lamang sa aking mga mahal na mga magulang kundi maging lalo na sa lahat ng Kanyang mga deboto't tagatangkilik na nakakasama ko sa tuwing ako'y nagbibigay-pugay sa Mahal na Jesus Nazareno sa kanyang simbaha't tahanan sa Quiapo.
Dati-rati, aaminin ko na minsan o madalas pa nga na tila ang ilan sa mga deboto ay malabis na panatiko lamang at madalas hindi ko maunawaan ang iba't-ibang gawi't ritwal nila na sa aking mga mata'y tila kakaiba. Subalit sa paglaon ng panahon, nawala ang ganito kong para bagang mapagmataas at maling pagtingin sa mga deboto. Dala na rin ng pagdalas ko sa pamimintuho ko sa Paanan ng Senyor Nazareno, naliwanagang tunay ang aking diwa't isipan at tuluyan nang napa-ibig hindi lamang sa paggiliw at pagdulog sa Kanyang Paanan kundi higit lalo sa Kanyang Kamahal-Mahalang Jesus Nazareno mismo at maging sa kanyang mga tagatangkilik dahil sa kanilang matinding pananalig at pagmamahal nila sa Itim na Nazareno. Kung tutuusin, kumpara sa akin na bagu-bago pa lamang ang panata sa Mahal na Nazareno, ang mga matagal nanag sumasampalataya sa Kanya ang talagang tunay na Kanyang mga deboto't tagatangkilik gaya na lamang ng aking mga magulang. Sila ang totoo at milyun-milyong mga kapatid at kababayan nating mga Pilipino na tumatangkilik sa Kanyang Kamahalan.
Pagpapatotoo sa mga himala at biyaya ng Mahal na Jesus Nazareno
Ngunit sa aking munting karanasan sa pamimintuho sa Paanan ng Mahal na Nazareno, masasabi kong binago Niya ang aking buhay sa pamamagitan ng pagkakaloob niya sa akin ng mga biyaya bagaman ako'y di karapat-dapat. Ilan sa mga biyayang ito na kaloob ng Senyor Nazareno ay ang aking kasalukuyang hanapbuhay, ang patuloy na pag-adya sa akin mula sa mga malalalang karamdama't kapahamakan, ang Kanyang Pagkalinga sa aking lola at mga magulang, at higit sa lahat ang biyaya ng kapatawarang ng aking mga pagkakasala't pagkukulang at ang pagpaparamdan Niya ng kanyang mga Banal na Kamay sa bawat araw ng aking buhay. Ang lahat ng mga ito'y bukal na utang na loob at laking pasasalamat ko sa ating Mahal na Nazareno na talagang tigib na tigib sa awa, biyaya at pag-ibig.
Maliban pa sa aking pansariling karanasan sa mga himala ng Poong Nazareno, malaking bagay din ang talagang kamangha-manghang pananampalatayang ipinamamalas ng mga kapatid at kababayan nating nananalig at nagmamahal sa ating Diyos at Panginoong Hesus Nazareno. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit mas lalo pa kong napa-ibig sa debosyon nating mga Pilipino sa Poong Nazareno. Dahil nga rito, masasabing Pilipinong-pilipino ang matinding debosyon na ito sa Itim na Nazareno at ito'y isang bagay na dapat nating ipinagmalaki sapagkat ang pagpaparangal sa Mahal na Nazareno ay hindi lamang isang nakagawian lamang na ritwal bagkus ito ay talagang nakaugat taal na kalinangan at pananampalatayang bayan nating mga Pilipino. Ang pagpaparangal sa Mahal na Nazareno ay ang mukha ng Katolisismong Pilipino na hindi lamang inangkin kundi isinakatutubo at dinalumat pa sa diwa at kaluluwang Pilipino.
Ang Pasyon ni Hesukristo sa Kamalayan at Kalinangang Bayan
Sa aking mas malalim pang pagbubulay-bulay hinggil sa kung bakit gayon na lamang ang pagsampalataya natin sa Mahal na Nazareno, napagtanto ko na ang debosyong ito ay nakaugat sa salaysay ng Pasyon ni Hesukristo sa wika ng Bayan, na ayon kay Ileto (2011, ika-8 limbag), ay ang siyang nagsilbing epikong panlipunan ng mga Pilipino noong panahon ng mga Kastila.Kung ating babalikan ang ating kasaysayan, palasak na palasak ang pag-awit ng pasyon ng mga Pilipino noong mga panahong iyon. Sa paliwanag ni Ileto, nakaugnay ang mga Pilipino sa Pasyon ni Hesukristo sapagkat nakita nila ang mga hirap na dinaranas nila sa ilalim ng mga Kastila sa kuwento ng mga sakit at dusa ni Hesukristo mismo. At sa kuwento din ng Pasyon, aniya pa ni Ileto, nakita din ng mga Pilipino ang kalayaan, kaginhawaan at kaligtasang matagal na nilang hinahangad. Ang Pasyon ni Kristong ito na pinanghawakan ng mga Pilipino ang siya ring magiging matibay na sandigan ng Himagsikang Pilipino noong 1896 na nilunsad ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan sa pangunguna nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto.
Bagamat matindi ang pagtuligsa at pag-usig ng K.K.K. sa kapunuan at mga mapagmalabis na mga fraile ng Simbahang Katoliko, hindi naman tinalikdan at tinalikuran ng mga Pilipino ang mga Aral at Salita ni Kristo. Katunayan nga, maraming mga paring sekular at paring katutubong Pilipino ang naakit at sumapi sa Himagsikang isinagawa ng mga Anak ng Bayan. Dagdag pa nito, sa kabila ng paglibak sa mga prayle, kitang-kita kung paanong iniugnay nina Bonifacio at Jacinto ang taal na kalinangang Pilipino at mga mabubuting turo ng Pananampalatayang Katoliko upang mabuo ang mga Aral, Batas, Alituntunin at Kartilya ng Katipunan. Ang Kartilya at mga Aral na ito, na taal na kalinangan at diwang Pilipino, ang siyang naging saligang-batas at batayang pangkaisipan at panghimagsikan ng Katipunan ng mga Pilipino. Sa madaling salita, dahil sa kanilang karanasang pagdurusang gaya ng sinapit ni Hesukristo, lubos na tinaal, dinalumat at inugat nila ang buhay at pasyon ni Kristo hindi lamang sa kanilang sariling pasyon kundi higit lalo sa adhikaing palayain at muling paginhawain si Inang Bayan. Kung kaya nga, tama ang tinuran ni Ileto na ang Pasyon nga ang siyang naging epikong bayan ng mga Pilipino, higit lalo noong pumutok na ang Unang Sigaw ng Himagsikan para sa Kalayaan.
Ang Hapis ng Ina: Ang Pag-uugat ng Pasyon kay Inang Bayan
Kung sa Pasyon ni Kristo nabanaag ng mga Pilipino ang salaysay ng karanasangnagdaralita, gayundin namang nakita nila sa Mahal na Inang Maria ang kalagayan ng Bayan. Tulad din kay Kristo at palibhasa malakas ang pagka-maka-ina natin, nadama ng mga Pilipino noon ang hirap at pait na dinanas ng Birheng Maria gaya ng nasasalaysay sa Pasyon din ni Hesukristo. Kaya naman tulad ng Diyos Anak na si Kristong Tagapagligtas at Manunubos ng lahat, inatang ng mga Anak ng Bayan sa kanilang mga balikat ang tungkulin at adhikaing palayain si Inang Bayan at dulutan ng ginhawa. Sa ganitong pagkakataon, masasabing nagtagpo at nag-isa ang maka-inang kalinangan ng mga Pilipino na minana pa natin mula sa mga ninunong Austronesyano at ang kahalagahan ng Mahal na Birheng Mariang Ina ng Diyos sa Pananampalatayang Katolikona inangkin at inari na rin nating kalinangan na mga Pilpino. Ang pagtatagpo at pag-iisang ito ay magkakaroon ng makabuluhang epekto sa kung paano dinalumat ng mga Pilipino ang kanilang kapwa buhay pananampalataya, pambansa at pangkalinangan. Dahil dito, mas lalo pang titindi ang pagpapahalaga sa ugnayan at pagmamahalan ng ina at ng mga kanyang anak hindi lamang sa tahanan kundi maging sa lipunan din. Gaya ng kambal at kaakibat na dusa ng Diyos Anak at ng Ina ng Diyos, naging gayon din ang pagtingin ng mga Pilipino sa kanilang Bayan, kung kaya naman mula pa noong Himagsikan 1896 patungo sa Mapayapang Himagsikan sa EDSA 1986 at maging magpasahanggang ngayon, ang laging bukambibig ng mga Pilipino ay dapat itaguyod natin bilang mga Anak ng Bayan ang kapakanan at kabutihan ng ating Inang Bayan.
Ang pamimintuho sa Mahal na Jesus Nazareno: Ang makabagong Pasyon ng mga Pilipino
Sa madaling salita, ang Pasyon ng mga Pilipino ay hindi lamang patungkol sa kani-kaniya at mga pansariling pasakit kundi higit lalo ang Pasyon na ito ng mga Pilipino ay pumapatungkol din sa matagal nang sakit at dusa ng Bayang Pilipino magmula pa noon! At bagaman hindi na palasak ang pag-awit ng Pasyon sa ngayon kumpara sa dati, masasabing ang matindi at kamangha-manghang pamimintuho, pagpaparangal at pagmamahal ng Kanyang mga deboto't tagapagtangkilik ng Mahal na Nuestro Padre Jesus Nazareno ang siyang makabagong Pasyon at Epikong Bayan nating mga Pilipino na nabubuhay sa panahong kasalukuyan. Nagbago man ang panahon, hindi pa rin nawawala ang Pasyon na likas at taal na sa ating pananampalatayang bayan bagkus gaya ng panahon, nagpapatuloy pa rin ito bagaman nagbabagong-anyo. Taliwas sa tingin o sabi ng iba, hindi maaaring sabihin na panatisismo lamang ang pagpintuho at pagtangkilik sa Senyor Nazareno dahil sa ito ay pagpapahayag hindi lamang ng isang dalisay, malakas, taal at katutubo na pagsampalataya kundi isa ring paglalantad at pagmamalas ng kamalayan at kalinangang Bayan na tahasang ipinapakita ang Pasyon ng Bayan at ang Poong Itim na Nazareno ang siyang mukha ng pasyon at hapis na ito ng Bayan.
Kung kaya dahil dito, masasabing ang Quiapo na siyang luklukan at tahanan ni Kristong Bathala na minamahal ng mga Pilipino bilang Mahal na Nazareno ang siyang puso at pusod ng taal at katutubong Kristiyanismo. Dahil sa naiugnay at naiugat ng mga Pilipino ang Pasyon sa taal na kalinangan nito, namasdan ng mga Pilipino ang kanilang hirap at hapis sa Mukha at Krus na pasan-pasan ng Mahal na Jesus Nazareno. Ngunit hindi lang naman sa dusa nakakaugnay ang mga Pilipino sa Pasyon ng Mahal na Nazareno. Bagkus sa Pasyon din niyang ito, nakadarama at nakahuhugot ng lakas at pag-asa ang mga Pilipino sapagkat lubos nilang nauunawaan ang pasyon ni Hesukristo: Na lahat ng kahirapan at kasakitan, kasamaan at kasalanan, at kalungkutan at kasawian ay may ganap na hanggana't katapusan. At gaya ng Salaysay ng Pasyon ng Mahal na Jesus Nazareno at mga pasyon ng Bayan sa iba't ibang yugto ng kasaysayan (mula Balintawak hanggang sa EDSA), sa huli, lahat ng pag-iibayo't paghihirap ay kalayaan, kaginhawaan, kaligtasan at katubusan din ang magiging kahahatungan ng Pasyon.
Pista ng Nazareno: Pasyon at Dalit ng Bayan
Kung lalaguming lahat, masasabing ang karanasa't kasaysayang bayan nating ito ang siyang malinaw na paliwanag kung bakit gayon na lamang ang pagpapamalas ng matinding pagpintuho at pagtangkilik nating mga Pilipino sa Mahal na Nazareno, laluna kung Kapistahan niya tuwing ika-9 ng Enero taun-taon. Bagamat ang Kapistahan ay nagsimula sa paggunita ng traslacion (o paglipat) ng Kawangis ng Poong Nazareno nito sa Simbahan ng Quiapo mula sa Intramuros, sa paglaon ng panahon, ang Kapistahang ito ay naging taunang paraan mga Pilipino upang maihayag nang taimtim ang palagian at malaon nang Pasyon ng Bayan. Ngunit sa kabilang banda, ang Kapistahang ding ito ng Mahal na Jesus Nazareno ay pagkakataon rin ng mga Pilipino, sa kabila ng lahat ng mga pighati, upang makapagbigay-parangal at pasasalamat sa Kanyang mga himala't biyayang kaloob Niya, sa iba't-ibang kaparaanan, sa ating lahat at sa sinumang tapat na namimintuho, gumigiliw at umiibig sa Kanyang Kamahalan bilang Nuestro Padre Jesus Nazareno ng Bayang Pilipino.
(Ang mga larawang ginamit sa talaarawang dagitab na ito ay sariling kuha ng May-akda noong Enero 7 at 9, 2011 sa Quiapo at Intramuros, Maynila)
BATIS AT SANGGUNIAN:
Ileto, Reynaldo C. (2011, 8th Edition). Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines 1840-1910.